Sunday, October 16, 2011

Paano Mababayaran Ang Utang na Loob?


“Walang utang na loob!”, ito ang kalimitang bulalas ng taong galit na galit sa taong matapos niyang bigyan ng pabor ay saka siya gagawan ng masama. Ito rin ang laging sinesermon ng mga magulang sa anak kapag hindi nito sinusunod ang kanilang mga utos.  O maging sa kaibigan na hindi tinumbasan ang buting nagawa nito.

Alam natin ang ugali ng taong walang utang na loob nguni’t hindi natin alam kung paano natin mababayaran ang pabor ng isang kadugo, kaanak, kaibigan at kakilala. May kabayaran ba ang utang na loob at paano ito mababayaran?

Sa aking palagay, ang pagbibigay ng tulong o pabor sa isang nangangailangan ay nararapat na gawaing bukas sa puso at hindi nangangailangan ng ganti. Ito ay kusang umuusbong sa ating pagkatao – ang makatulong sa kapuwa. Magkagayunman, marami sa atin ang umaasang kahit hindi tumbasan ang ating ginawa ay hindi naman tayo gagawan ng hindi maganda ng tinulungan. Subali’t may pagkakataong, taliwas ito sa ating inaasahan. Ito ang dahilan kung bakit nasasabi nating “walang utang na loob” ang isang tao.

Wala raw kabayaran ang utang na loob. Ito raw ay hindi kayang tumbasan ng kahit anong halaga ng salapi o kahit anong dami ng pagtulong. Kung magkagayon, bakit pa tayo gagawa ng maganda sa kapuwa kung pagkatapos ay isusumbat lang natin ito sa kanila? Bakit isinusumbat ng mga magulang ang nagawa niyang pagpapalaki sa mga anak gayong ito naman ay kanilang mga obligasyon? Bakit susumbatan ng isang kaibigan ang kanyang kaibigan sa mga pabor na ibinigay niya gayong hindi naman ito hinihingi ng kaibigan sa kanya?

Sa mga ganitong senaryo, mas mabuti pang huwag ka nang magbigay ng pagmamahal, tulong at pabor sa iyong mga kapamilya, kamag-anak, kaibigan at kakilala kung isusumbat mo lang ang mga ito sa susunod na panahon. Ang nangyayari tuloy, nakakaramdam pa ng utang ang isang nabigyan na dapat niyang bayaran o suklian sa ibang panahon.

Kung walang kabayaran ang utang na loob, mas mabuti pa sigurong huwag mo nang tanggapin ang anumang tulong ang sa iyo ay ibinibigay upang sa gayon ay hindi ka na mahirapan pang mag-isip kung paano ito gagantihan. Ang nangyayari tuloy sa karamihan, tila nakakulong sila sa isang sitwasyong hindi naman nila ginusto.

"Mababayaran ang utang ng loob sa pagbibigay tulong sa nangangailangan nang walang hinihintay na kapalit"

Magbigay tayo ng tulong nang walang inaasahang kapalit. Huwag isumbat sa iba ang mga nagawang kabutihan kung hindi man nila ito magantihan. Dapat, ang pagtulong ay bukas sa loob, masayang ibinibigay at hindi naghahanap ng kapalit. Sa ganitong paraan, tila nabayaran na rin natin ang mga itinulong sa atin ng iba.
submit to reddit

No comments: