Monday, June 11, 2012

June 12 - Araw ng Kalayaan Mula Kanino?

Simula pa noong unang iwagayway ni General Emilio Aguinaldo ang watawat ng Pilipinas mula sa balkonahe ng kanyang tahanan sa Kawit, Cavite noong Ika-12 ng Hunyo, 1898, taun-taon nating ginugunita ang Araw ng Kalayaan o Araw ng Kasarinlan. Sa selebrasyong ito, hindi nawawala ang pagtaas ng bandila ng mga pinunong bayan na susundan ng magarbong parada. Sa pagdaan ng panahon, naitatanong ko sa aking sarili kung anong klaseng kalayaan ang ating ipinagbubunyi.


Kaya itinaas ang bandila ng Pilipinas noong 1898 ay dahil sa paglaya natin sa pananakop ng mga Kastila. Kalayaang hindi natin matatamo kung hindi tayo tinulungan ng mga Amerikano. Dahilan sa isang kasunduan ay naganap ang pamosong Battle of Manila kung saan binomba ng mga Amerikano ang mga sasakyang pandagat ng mga Kastila sa Manila Bay. Isa itong palabas ng giyera dahil bago pa lamang naganap ito ay nagkasundo na nga ang magkabilang panig kung saan ibibigay ng Espanya ang Pilipinas kapalit ng mga bansang nasakop ng mga Amerikano.


Pagkatapos ng mga Kastila, mga Kano naman ang lumupig sa kalayaan ng mga Pinoy. Ang kanilang sistema ang ikinintal sa puso at diwa ng mga Pilipino. Pinag-aral nila ang mga mayayaman at may impluwensiyang Pilipino sa Amerika upang matutunan nito ang gobyerno at pamumuhay Amerikano. 


Dahil sa mga Amerikano, sinugod tayo ng mga Hapones at sinakop. Kung ilang taon din tayong nilupig hanggang sila ay bumalik sa kanilang bansa matapos bombahin ng mga Amerikano ang Hiroshima at  Nagasaki. Dahil dito, nagpatuloy ang tahimik ng pananakop ng mga Amerikanong naituring na nating mga kaibigan matapos ang ilang taong naging kaaway rin. Dahil dito, naikintal sa ating puso't diwa na ang lahat ng gawang Amerika ay magaganda. Nagkaroon tayo ng colonial mentality sa malawak na antas ng pamumuhay at ideolohiya.


Sa ngayon ay patuloy nating ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan. Mula kanino ang tanong ko. Ang unang bansang lumupig sa atin - ang Espanya - ay pinupuntahan ngayon ng ating mga kababayan upang pagsilbihan. Nanatili tayong mga muchacho at muchacha tulad noon. Kung naging taga-aliw ng mga sundalong Hapones ang ating mga "comfort women" noon, sa ngayon ay hindi lang mga Japayuki ang umaaliw sa kanila. Kabilang na rin ang ating mga kalalakihan upang magsilbing mga hosto.



Dagsa ang pumipila sa US Embassy sa Roxas Boulevard upang maging migrante at American citizen. Kapag naroon na, tinatanggap ang mga trabahong mas mababa pa sa kanilang iniwan at pinag-aralan.



Iisa lang naman ang dahilan ng ating patuloy na pagiging alipin sa mga bansa at taong lumupig sa atin. Pera. Kakulangan nito. Sa ngayon, hindi lang sila ang pinagsisilbihan ng mga Pilipino. Halos lahat ng mayayamang bansa sa Europa man o sa Gitnang Silangang Asya ay pinagsisilbihan na natin. 

Kailan kaya matatapos ang paninilbihang ito? Kailan pa kaya matatamo natin ang tunay na Araw ng Kasarinlan? Patuloy na nakagapos ang ating puso at isipan at ngayon, pati na ang katawan, sa ibang lahi dahil na rin sa kakulangan ng pag-iisip at estratehiya  ng ating inihahalal ng mga pinuno. Nagkakasyang ipagbili tayo sa ibang lahi dahil sa salaping ipinapasok natin sa kaban ng bayan. Bakit hindi sila mag-isip ng paraan upang magamit natin ang ating talino at lakas sa sarili nating bayan?

Malawak at mayaman ang ating bansa. Mas malaki tayo sa Taiwan subali't mas maraming Pilipino roon ang alipin ng kanilang industriya. Hamak na mas maliit ang Singapore subali't mas maunlad sa atin. Ano ba ang kulang sa atin? Mga nag-aral tayo at may mga natural na yaman, bakit hindi tayo makahulagpos sa panunupil ng mga banyaga?

Iisa lang ang kasagutan. Upang magkaroon ng tunay na diwa ng kasarinlan, kailangan nating ikintal ang tunay at matiim na diwa ng nasyonalismo sa ating puso at isipan. At napapanahon ang kasabihan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noon: "Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan!"

submit to reddit

No comments: